Author: Au
May halimaw na namumuo
sa ilalim ng maitim at malangis na tubig ng Manila Bay.
Ang maliliit na supot ng kendi
tinapon ng isang mamang di nag-iisip
ay isa lamang sa isang tambak ng mga supot
na bumubuo sa kanyang mga braso.
Isang lumang gulong ng sasakyan
(na kung pano napunta sa dagat? ewan.)
ay isa sa kanyang mga mata, ang isa
ay dating globo na styrofoam
ngayon ay halos nahati na.
At dahil ang halimaw
ay nalikha ayon sa anyo
ng kanyang manlilikha–
ang halimaw ay may mga paa;
gawa rin sa supot ng kendi
na ibinato ng mga di nag-iisip
na ale at mama.
Ang halimaw
ay patuloy na lumalaki
sa bawat supot ng kendi
araw-araw.
Hanggang sa siya ay babagon
upang lipulin ang kanyang manlilikha.
Psst… Ale, mama
yung balat ng kendi mo–
pakidampot.
Source:
Ebidensya ng mga pinagkakaabalahan ni Au, http://tuwatula.blogspot.com/